Tuesday, March 17, 2015

Pananaliksik sa mga Estudyanteng Pilipino na Nag-aaral ng Wikang Chinese May Tuon sa Philippine Cultural College

I.PANIMULA 

A. PANUKALANG PAHAYAG

        Nahihikayat ang mga estudyanteng Pilipino na mag-aral ng wikang Chinese dahil sa magandang ekonomiya ng bansang China.
                                
B. INTRODUKSIYON / PAGLALAHAD NG SULIRANIN

           Ang paksa ay tungkol sa Paano Mahihikayat ang mga Estudyanteng Pilipino na mag-aral ng wikang Chinese.

            Napili ng mananaliksik na pag-aralan ang paksang ito dahil nais nilang malaman aang iba pang dahilan kaya’t nahihikayat ang mga Pilipino na mag-aral ng wikang Chinese. Katulad rin nila na purong Pilipino na nahikayat na mag-aral ng wikang Chinese, kasalukuyan ngayong nag-aaral ang mga mananaliksik sa Philippine Cultural College na kumukuha ng kursong Bachelor of Secondary Education Teaching Chinese as a Second Language.

            Sa mahigit 5,000 taon ng China, tila isang panaginip ang nangyari, nagkatotoo ang sinabi ni Napoleon Bonaparte, Emperador ng France noong 1804-1815 na mayroong natutulog na higante sa silangang bahagi ng Asya at kapag nagising ito ay mabubulaga ang mundo.

           Ayon sa China Daily Asia Weekly, mula high school hanggang sa mga manggagawa sa komersiyo sinasabing ang demand ng wikang Chinese ay namayagpag sa halos 40 taon ngunit nilimitahan ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ang mga paaralang Chinese sa pagbibigay ng malaking oras sa pag-aaral ng wikang Chinese sapagkat nilalabag nito ang teritoryo ng Pilipinas.

         Nito lang 2009, base sa ginawang pag-aaral ng International Monetary Fund (IMF), ikalawa sa US ang China sa may pinakamalaking kita sa pangkalahatang Gross Domestic Product (GDP) at higit sa 10 porsyento ang inilawak nito sa pandaigdigang ekonomiya.

          Sa kasalukuyang panahon, ayon sa magasing Beijing Review (Vol. 54 No. 49 Disyembre 8, 2011) na may artikulong isinulat ni Zhang  Zhi Ping na may pamagat na Is China A Market Economy?, napakaraming bansa ang nagiging interesado na pag-aralan ang wikang Chinese dahil sa estado ng ekonomiya ng China at alam ng napakaraming bansa na ang Chinese ay magiging wika ng bilyon bilyong katao sa buong mundo. Subalit sa kabila ng pagiging popular nito, sinabi rin na ang America, Europe at  Japan ay hindi kinikilala ang popularidad nito sa kasalukuyan dahil alam nila na nakasaad sa regulasyon ng World Trade Organization (WTO) na kailangan muna ng China na umabot ng 15 taon upang kilalanin ito bilang nangunguna sa ekonomiya. Taong 2001 lang naging miyembro ng WTO ang China kaya’t sa 2016 pa ito itatalaga bilang nangunguna sa ekonomiya.

          Ayon naman sa librong isinulat ni Ellen H. Palanca, may pamagat na China’s Economic Growth and the ASEAN, “patuloy sa paglago ang ekonomiya ng China at sinasabing malaki ang naitutulong nito sa pandaigdigang ekonomiya”. Napatunayan sa Philippine APEC Asia Pacific Economic Cooperation, isang Study Centre Network, na hindi lamang lumalago ang bansang China kundi maganda ang potensiyal nito pagdating sa export at investment.

           Sa pananaliksik na ito pinapakilala ang estado ng bansang China sa kasalukuyan. Sa pamamagitan ng pagtatalakay sa pag-unlad nito sa ekonomiya, mabibigyang-diin ang magandang dulot nito sa mga estudyanteng Pilipino na pag-aralan ang wikang Chinese.

C. REBYU / PAG-AARAL

            Sa librong Communications Skills I: Improving Study and Thinking Skills and Reading or Thinking Strategies na may artikulong isinulat ni Jose Ma. H. Zaldarriaga na may pamagat na When West Meets East: Impending Powershift in the Global Arena, ang tinatalakay ang pangunguna ng bansang China sa Powerhouse Economy, sinasabing nauunahan na ng bansang China ang America sa pandaigdigang merkado bilang isang pangako ng pag-unlad ng Asia at isang babala para sa puwersa ng taga-kanluran. Sinasabi dito na ang pag-unlad ng China ay dahil sa pagtuon nito sa kanilang ekonomiya at kultura. Magagamit ng mga mananaliksik ang mga impormasyong nakapaloob sa artikulo bilang basehan sa estado ng ekonomiya ng China.

           Mula naman sa importanceoflanguage.com na may pamagat na "Importance of Chinese Language-Why study Chinese?", ang wikang Chinese ay isang magandang tuntunin upang makapasok sa ekonomiya ng China at makasalamuha ang 1.3 bilyong katao sa mundo. Isang patunay dito ay si Aniela S. Dizon (Nin Hao magazine, September–October 2014) isang Pilipino na nanalo sa isang patimpalak na may kinalaman sa wikang Chinese na ginanap sa Beijing noong 2014. Ayon sa kanya, masaya siya dahil makakausap niya ang one-fifth na populasyon ng mundo at nabigyan siya ng pagkakataon para makisalamuha sa mga ito dahil alam niyang hindi lamang sa China may mga nag-aaral ng wikang Chinese kundi maging sa America at Europe, kaya’t malawak na kapaligiran ang kinabibilangan niya.

           Mula sa www.makingitfuninthephilippines.blogspot.com na may pamagat na "It’s Time to Encourage Mandarin for Filipinos” na ayon sa awtor ng blog na si Sean Akisuki, ang Pilipinas ay maaaring makipag-ugnayan sa China sa pamamagitan ng wika upang malutas ang kinakaharap ng Pilipinas sa larangan ng pagpapalawak ng ekonomiya nito at upang higit na magkaroon ng mabutihang transaksiyon.


          Sinasaad sa quora.com/benefits-of-learning-chinese ang malaking gampanin ng China sa larangan ng  oportunidad. Gayundin sa childbook.com/Why-Learn-Chinese? na ang nangungunang dahilan kung bakit marami ang nag-aaral ng wikang Mandarin ay dahil mahalaga at kailangan ito sa mundo ng kalakalan.

         Ayon naman sa www.bu.edu/micl/home/why-study-chinese/, ang wikang Chinese ay mahalaga sa karera ng bawat indibidwal dahil ang higit na kinukuha sa mga kompanya ay ang mga nakakapagsalita ng higit sa isang wika lalo na ng wikang Chinese. Sa pamamagitan ng ideyang tumatalakay sa benepisyo ng pagkatuto ng wikang Chinese ay mabibigyang-linaw ang mga estudyanteng Pilipino na mag-aral ng wikang Chinese.
        Isa pang artikulo mula sa Beijing Review Magazine na may pamagat na “Is China A Market Economy?”, ang China ay nasa ikalawang puwesto pagdating sa International Trademark Application Through the Madrid System. Ang mga maiaambag nito ay ang lalo pang pag-unlad ng kanilang market-oriented reforms.

      Ito ay may kaugnayan sa kalagayan ng ekonomiya ng Tsina. Sa artikulong Filipinos Will See How China’s Economy Grown Tremendously In Asia, nakasaad dito na higit na pipiliin ng mga Pilipino ang pagkakataon na pag-aralan ang wikang Chinese dahil mataas na sahod sa mga trabahong may kinalaman sa negosyong Chinese

     Ayon sa bu.edu.com na may artikulo na ang pamagat ay Why Study Chinese?, ang wikang Chinese ay susi sa napakaraming oportunidad na binubuksan at inaalok ng mga bansa sa Asya at America dahil namumuhunan ang mga ito sa China at karamihan sa pinapagawang produkto ay nakasulat sa wikang Chinese kaya’t naghahanap sila ng taong marunong ng Chinese at iba pang wika upang maisalin sa iba pang wika ang mga teksto sa produkto ng China.

     Tinatalakay naman sa Chineseconnects.com (April 30, 2014) na may artikulo na pinamagatang "Will Learning Chinese Help Me Get A Job? Career, Development and Importance in China,” ang pag-aaral ng wikang Chinese ay mas mahalaga kaysa sa paghahanap ng trabaho at karera para sa sarili dahil ang pagkatuto ng nasabing wika ay isa sa makakatulong upang magkaroon ng pagkakaunawaan ng kultura na magiging dahilan upang magtulungan ang bawat bansa. Sinasabi rin dito na hindi hadlang ang pagkakaiba ng lahi upang matuto ng wikang Chinese.

        Ang progreso sa ekonomiya ng China ay nalaman na ng ating kapwa Pilipino. Ayon sa China Daily Asia Weekly, sinabi ni G. Armin Luistro, Kalihim ng Edukasyon sa Pilipinas, na ang wikang Chinese ay ginagamit na din ng maraming Pilipino sa ibang bansa,partikular sa mga bansang nasasakop ng China. Kaya’t hindi maikakailang mahalaga at kailangan ito ng mamamayang Pilipino sa pakikipagkomunikasyon dahil maraming bansa sa mundo ang gumagamit na ng wikang Chinese. Kaya naman isinama ito sa limang wika na maaaring ituro sa pampublikong paaralan sa Pilipinas. Makatutulong ang mga impormasyon na nakapaloob sa artikulong ito sa aming pananaliksik sapagkat ito ay isa sa maaaring dahilan upang mahikayat ang mga estudyanteng Pilipino na matuto ng wikang Chinese.

D. LAYUNIN

            Layunin ng pananaliksik na ito na makapag-ambag sa kaalaman tungkol sa mga dahilan kung bakit nahihikayat ang mga estudyanteng Pilipino na mag-aral  ng wikang Chinese.

             Nais din na maisa-isa ang mga benepisyong maidudulot ng pagkatuto ng wikang ito at ang maitutulong nito sa mga Pilipino na pag-aralan ang wikang Chinese.

           Gayundin ang mahikayat ang mga Pilipino na malaman ang estado ng ekonomiya ng China sa kasalukuyang panahon. Magiging daan din ito sa kabataan  upang mahikayat na magkaroon sila ng interes na  pag-aralan ang nasabing wika.

              Nais din ng mga mananaliksik na mag-ambag sa mga estudyanteng  mananaliksik ng mga  impormasyon at ideya na maaaring magamit sa mga susunod na pananaliksik na may kinalaman sa wikang Chinese sa Pilipinas.

E. HALAGA

           Mula sa pananaliksik ay mabibigyang-diin ang kahalagahan ng wikang Chinese sa kasalukuyan. Makatutulong ang pananaliksik na ito sa mga Pilipinong nagnanais matuto ng wikang Chinese.


                Makikinabang ang mga mag-aaral na kukuha ng kursong pagtuturo ng wikang Chinese sapagkat maipapakita sa kanila ang malaking oportunidad na naghihintay sa pagkatuto ng nasabing wika at posibleng lalo pa nilang paghusayan ang pag-aaral nito.
      
         Makatutulong din ito sa mga paaralang Chinese na nangungumbida ng mga estudyanteng Pilipino tulad ng mga mananaliksik na nahikayat lamang ng paaralang Chinese dahil sa magandang ekonomiya ng China at sa scholarship.


           Makapaglalaan din ito ng mga impormasyon sa mga susunod na mananaliksik tungkol sa kung paano nahihikayat ang mga estudyanteng Filipino na mag-aral ng bagong wika tulad ng Chinese.

F. KONSEPTUWAL NA BALANGKAS















        Nahihikayat ang mga estudyanteng Pilipino na mag-aral ng banyagang wika dahil sa oportunidad na dulot ng magandang trabaho. Halimbawa ng trabahong ito ay ang pagiging guro at tagasalin ng isang banyagang wika, gayundin ang trabaho sa mga kompanyang naghahanap ng speaker ng isang banyagang wika.

      
               Sa ating bansa, nahihikayat ang mga estudyanteng Pilipino na mag-aral ng wikang Chinese dahil alam nila na maunlad sa kasalukuyan ang ekonomiya ng China at kalakip nito ay mga oportunidad sa lahat ng nakakapagsalita ng nasabing wika.




G. METODOLOHIYA

            Ang mga mananaliksik ay nagsagawa ng survey questionnaire at interview para sa mga estudyanteng Pilipino ng Philippine Cultural College, College Department  upang malaman kung paano sila nahikayat na mag-aral ng wikang Chinese. Aalamin din kung alin sa mga salik: pansariling kagustuhan, kagustuhan ng magulang o scholarship ang maaaring naging dahilan kung bakit sila nahikayat na mag-aral ng wikang Chinese. 

            Humingi ng kopya ng listahan ng mga Pilipinong mag-aaral sa School Registrar na si Ms. Rona de Guzman. Napag-alaman na bukod sa mga mag-aaral ng BSE-TCSL, may lima pang estudyanteng Pilipino ang nag-aaral ng Wikang Chinese na nasa ibang kurso. Ang mga mananaliksik ay pumili ng siyam (9) na mag-aaral mula sa kursong BSE-TCSL (Bachelor of Secondary Education-Major in Teaching Chinese as Second Language). Pinili ang mananaliksik ang mga mag-aaral na ito sapagkat sila ay kabilang sa Dean Lister sa paaralang kanilang pinapasukan. Nagtanong din ang mga mananaliksik kay Ms. Natividad Tiu, isang propesor na nagtuturo ng wikang Chinese sa Philippine Cultural College  na kung mayroong estudyanteng Pilipino mula sa high school department ng Philippine Cultural College na nag-aaral ng wikang Chinese.

            Sa ginawang sarbey ni Pergie Asanza, nagbuo siya ng isang katanungan kung paano nahikayat ang mga estudyante na mag-aral ng wikang Chinese. Nakapaloob dito ang apat na posibleng kasagutan at ito ang mga: PANSARILING KAGUSTUHAN, OPORTUNIDAD, KAGUSTUHAN NG MAGULANG, SCHOLARSHIP.  Ginawa ng mananaliksik ang mga ito dahil gusto nilang malaman kung ang mga estudyanteng Pilipino ba ay may interes na matuto ng ibang wika, may pinapahalagahan, sumusunod sa nais ng magulang, o dahil sa oportunidad na kanilang makukuha.


           SURVEY PARA SA MGA ESTUDYANTENG PILIPINO NA NAG-AARAL NG WIKANG CHINESE

TANONG: Paano ka nahikayat na mag-aral ng wikang Chinese at bakit?
a. Pansariling Kagustuhan
b. Kagustuhan ng Magulang
c. Oportunidad
d. Scholarship

  Tanong: Bakit?
  _________________________________________________________________________________
__________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________


H. SAKLAW / DELIMITASYON

            Ang mga mananaliksik ay nagsagawa ng survey at interview sa Philippine Cultural College. Ito ay itinatag noong Hunyo 27, 1923 na dating Philippine Cultural Highschool. Mula sa http://www.philippineculturalcollege.edu.ph/AboutUs.html  ang Philippine Cultural College ang una at pinakamatandang paaralang pangsekondarya para sa mga Filipino-Chinese. Binibigyang diin ng paaralang ito ang pagtuturo sa asignaturang English, Filipino, Mandarin, Science at Mathematics. At noong taong 2008-2009 nagsimula silang mag-alok ng pagaaral sa kolehiyo.

   
       Nag-survey ang mga mananaliksik sa labinglimang estudyanteng Pilipino kung paano sila nahikayat na mag-aral ng wikang Chinese kumuha ang mg mananaliksik ng siyam (9) na mag-aaral mula sa kursong Bachelor of Secondary Education Teaching Chinese as a Second Language, ito'y sina Nikki Lloyd Encinas, Janella Panares, Laisa Ocampo(Filipino-Chinese), Rhona Tomas, Raina Lave Sanchez, Kozzita Mateo, Angelica Mateo, Erika Mae Hernaez at Jerald Puyos. Nagtanong din ang mga mananaliksik kay Bb. Natividad Tiu, isang propesor na nagtuturo ng wikang Chinese sa PCC para sa estudyanteng Pilipino (6) mula sa High school at College Department. Ito ay sina Kathleen Mae Alvarez, Katrin Enriquez, Nicole Kaye Julaton, Andrea Beatriz Galvez, Rizza Hilario at Karyl Kaye Ngui. Napili ng mga mananliksik na gumawa ng isang survey sa Philippine Cultural College dahil isa itong paaralan na may mga Pilipinong ng wikang Chinese.


I.  DALOY NG PAG-AARAL

          Sa unang bahagi ng pananaliksik, pinakilala ang China bilang pangalawa sa may pinakamalaking ekonomiya sa mundo at may wikang pinakagamit sa kasalukuyan.

                 Sa ikalawang bahagi naman ng pananaliksik, tatalakayin ang survey at ang resulta nito. Matapos mailahad ang mga kasagutan, masusing pag-aaralan ang mga kasagutan at gagawa ng masinop na pagkakasunod-sunod na bilang ng mga kasagutan ng mga estudyanteng nakilahok sa sarbey. Makikita rin dito ang pie graph na nagbubuod sa resulta ng survey.

                  Sa huling bahagi ipapakita ang resulta at kongklusyon na nalaman sa mga pananaliksik at ang rekomendasyon.




II. KATAWAN

 A. Introduksiyon at Pagsusuri  


         Mula sa artikulong “China Economy” ng EW World Economy Team na nailathala noong Hunyo 4, 2014 na nagsasaad na ang bansang China ay pangalawa sa may maunlad na ekonomiya sa lahat ng bansa ayon sa kanilang GDP (current prices, US Dollar) at GDP (Purchasing Power Parity) na noong 2012 ang GDP (current prices, US Dollar) ng China ay umabot sa US$ 8.227 trilyon at GDP (PPP) na umabot sa US$ 12.405 trilyon. Kaya’t titingnan kung ang magandang ekonomiya ba ng China ang magiging dahilan upang mahikayat ang mga estudyanteng Pilipino na pag-aralan ang wikang Chinese.

            Gayundin naman sa kagustuhan ng mga magulang, tatlo sa estudyante ng Philippine Cultural College  ang sumagot na sila ay nahikayat na mag-aral ng wikang Chinese dahil sa kanilang mga magulang. Batay sa sinabi nina Kathleen Mae Alvarez, Andrea Beatriz Galvez at  Katrin  Enriquez na nais ng kanilang magulang na sila ay matuto ng wikang Chinese, sapagkat maraming trabahong nag-aabang sa kanila lalo na sa larangan ng business.  Isang patunay dito ang mababasang artikulo sa Beijing Review Magazine na may pamagat na. Is China A Market Economy?, magandang ekonomiya ng China sa ngayon, maganda ang progreso sa kanilang produksiyon at dahil dito malaki ang nagiging benepisyo ng mga manggagawa at dumadami  ang mga oportunidad sa pagkakaroon ng trabaho, kaya’t sinasabi na mas pipiliin na ng mga Pilipino ang pagkakataon na pag-aralan ang wikang Chinese. Dahil kilala ito sa larangan ng negosyo at pakikipagkalakan sa iba’t ibang bansa at ito ay makakapagbigay sa mga Pilipino ng maraming trabaho at mataas na suweldo.

            Batay kay Katrin Enriquez, hinikayat siya ng kanyang mga magulang na mag-aral ng wikang Chinese sapagkat ang kanyang ama ay nagtatrabaho bilang machinist sa Jarrel company, isang Chinese company. Sa paniniwala ng kanyang ama ang isang tao na marunong o nakapag-aral ng wikang Chinese ay mas may oportunidad na magkaroon ng mas magandang kinabukasan.      

           Isa naman sa labinglimang lumahok sa sarbey ang  sumagot  na ang scholarship ang nagtulak sa kanya upang matutunan ang wikang Chinese sapagkat tumatanggap ng mga Pilipinong mag-aaral ang mga Korporasyon ng mga Fil-Chinese Businessman gaya ng Federation of Filipino Chinese Chambers Commerce of Industry Inc  (FFCCCII). Dahil dito, nahikayat si Rhona Tomas upang pasukin ang kursong pagtuturo ng wikang Chinese. Batid niyang malaking oportunidad ang naghihintay sa kaniya sa hinaharap.







               
Sa chart na ito makikita ang resulta ng ginawang survey. Ipinapakita sa chart na ito na 40 porsyento (40%) ang nag-aaral ng wikang Chinese ay dahil sa pansariling kagustuhan, 33 porsyento (33%) naman ang nagsasabing malaki ang oportunidad na makukuha nila kung sila ay mag-aaral ng wikang Chinese 22 porsyento (22%) naman ang nagsasabing kaya sila nag-aral ng wikang Chinese ay dahil sa kagustuhan ng kani-kanilang magulang. Samantalang ang pinakamaliit na porsiyento (7%) ay nag papahatid na kaya sila ay nag-aaral ng wikang Chinese ay dahil sa scholarship.

III. Pangwakas

A. KONGKLUSYON
                 
                     Sa ginawang survey at interview sa mga mag-aaral ng Philippine Cultural College lumalabas sa mga sagot na nakalap ng mananaliksik, na ang pansariling kagustuhan ay ang may pinakamalaking porsyento, pero nakapaloob sa pansariling kagustuhan ang Oportunidad na para sa 6 na estudyante ang ibig sabihin nito  ay magandang trabaho. Isang patunay dito ang artikulo mula sa bu.edu.com na may pamagat  na  Why Study Chinese sinasabi na, ang  wikang Chinese ay susi sa napakaraming oportunidad na binubuksan at inaalok ng mga bansa sa Asya at America. Dahil namumuhunan  ang mga ito sa China at karamihang pinapagawang produkto ay nakasulat ng wikang Chinese, kaya’t naghahanap sila ng mga taong marunong magsalita ng Chinese at iba pang wika upang maisalin sa iba pang wika ang mga teksto sa produkto sa China. At ang wikang Chinese ay nagiging wika na ngayon ng maraming Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa dahil karamihan sa mga Filipino ay tinutumbok ang mga bansang gumagamit ng wikang nasabi tulad ng Taiwan, Hongkong at iba pa.  Meron din isang organisasyon tulad ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce of  Industry Inc (FFCCII) na nagbibigay ng scholarship at kapag nakapagtapos ang mga estudyante may kontrata na magkakaroon sila ng trabaho, ito ay magtuturo ng tatlong taon sa Chinese school.  Dahil sa magandang ekonomiya ng China marami ang nahikayat na estudyante na mag-aral ng wikang Chinese, hindi lang mga estudyante pati na rin ang kani kanilang magulang na hinihikayat sila na pag-aralan ang wikang Chinese.  Sa survey lumalabas na ang dahilan ng pagpili na mag-aral wikang Chinese ay ang magandang ekonomiya ng China.

            
B. REKOMENDASYON:

1. Para sa mga organisasyon, magsagawa ng mga imformation campaign tungkol sa magandang ekonomiya ng china upang higit na mahikayat ang estudyantang Pilipino na pag-aralan ang wikang Chinese.

2.  Para sa mga magulang na may anak na nag-aaral ng wikang Chinese at nais pag-aralin ang kanilang mga anak ng wikang Chinese, suportahan ang mga ito at ipaliwanag pa sa kanila ang maaaring idulot ng pagkatuto ng wikang Chinese at ang magandang ekonomiya ng China.

3.  Sa mga nakapag-aral na at nag-aaral ngayon ng wikang Chinese dahil sa mga oportunidad na dulot ng magandang ekonomiya ng China dapat nila ipromote sa ibang pang mga Pilipinong estudyante na pag-aralan ang wikang Chinese.



Sanggunian

AKLAT:

Wong K.C., The Chinese in The Philippine Economy, Kaisa Para sa Kaunlaran Inc., 1999.

Zaide, G.F., Contribution of Aliens to the Philippine Economy, Kaisa Para sa Kaunlaran Inc,  1999.

Zaldarriaga J.M., When West Meets East: Impending Powershift in the Global Arena, Philippine Panorama, pp.10-11, 2012 .


MAGASIN:

Martin K.A., China Slowdown Biggest Threat to Asia, The Philippine Star, Pebrero 15, 2015.

Morrison W.M., China’s Economic Rise: History, Trends, Challenges and Implications for the United States, Congressional Research Service, 2014.

Zhang Zhi Ping, Is China A Market Economy?, Beijing Review, p.24  Disyembre 8, 2011.

INTERNET:  (  Lahat ay huling in-aceess noong Marso)

Akisuki, Sean, "It’s Time to Encourage Mandarin for Filipinos”,www.makingitfuninthephilippines.blogspot.com, 2014.

Sherif Ann, quora.com/benefits-of-learning-chinese, childbook.com/Why-Learn-Chinese?

Minnepolis Paul,Chineseconnects.com "Will Learning Chinese Help Me Get A Job? Career, Development and Importance in China” Abril  30, 2014.

Mula sa EW World Economy Team, http://www.economywatch.com/world_economy/china      “Economy of China” Hunyo 4 , 2014.


Benigno Teodorp C.  http://www.philstar.com/opinion/183756/china-awakened-giant“China awakened giant” Nobyembre 13, 2002.







Mga Mananaliksik:
Pergie R.Asanza
Allan Cayabyab

Philippine Cultural College







No comments:

Post a Comment